From the
http://www.bwf.org/balikas/2003/22/ed_01.shtml Pamumuno
Mukhang ang pakahulugan ni Bayani Fernando sa kanyang "pamumuno" sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay pamumutol ng puno. Ito ang pinagkakabalahan ngayon ng MMDA, at ang kanilang unang biktima ay mga punongkahoy sa Lansangang Katipunan sa Lungsod Quezon.
Para sa pinuno ng MMDA na si Bayani Fernando, masama ang mga puno sa Kalakhang Maynila, lalo na yaong nakatanim sa "center island" ng mga lansangan. Kailangan raw alisin ang mga puno para lumuwang ang mga lansangan at lunasan ang malubhang trapiko. Sinisisi pa ni Fernando na ang mga puno ay nakakadagdag sa pagbaha sa Kalakhang Maynila dahil ang mga ugat raw nito ay pumipigil sa tubig.
Kahit bata pa lamang tayo, itinuturo na sa atin ang kahalagahan ng mga puno. Tagapagbigay ng lilim, tagabuga ng oxygen at tagahigop ng carbon dioxide pampaganda ng paligid at marami pang iba. Kung tutuusin, kapos ang dahilan ni Fernando na nagdudulot ito ng pagbaha: napakarami pang dahilan ng pagbaha, at ang pinakamatindi ay malubhang suliranin ng Kalakhang Maynila sa basura at pagkaubos rin ng mga puno sa mga kabundukang malapit sa punong lungsod.
Lalong mahalaga para sa isang lansangang tulad ng Katipunan ang mga puno, kahit paano’y makakatulong ito na masagap ang polusyong ibinubuga ng mga sasakyan (bagama't hindi natin masasabing sapat ang pagsagap nila).
Huli na marahil na ibalik sa Grade 1 ang mga pinuno ng MMDA, nguni’t marapat nating itanong kung hanggang saan at para kanino ba ang isinasagawa nilang pagpapaluwang ng mga lansangan at daanan ng tao.
Halimbawa, naging "popular" ang pinuno ng MMDA na si Bayani Fernando dahil sa pagpapalayas niya sa mga nagtitinda sa lansangan at bangketa. Saanman sa Kalakhang Maynila, makakakita ka ng karatulang "Sidewalks are for people" (ang tabing-daan ay para sa mga tao).
Nguni't paano naman ang magkakatabing poste ng magkakaibang kumpanya ng telepono sa mga bangketa, na dahil magkakatabi ay hindi na halos makadaan ang mga tao? Paano naman ang mga bangketa na ginawang paradahan ng mga kotse? Hindi pa natin nakita ang MMDA na nagbuhos ng gaas sa mga poste ng mayayamang kumpanya at kotseng pag-aari ng mga maykaya.
Mga mahihirap na mamamayan lang ba pinag-iinitan ng MMDA?
Kung tutuusin, mayayaman rin naman ang dahilan kung bakit napakasikip ng Lansangang Katipunan. Ang lansangang ito ay daanan ng mga sasakyan patungo sa mga pangmayamang paaralan tulad ng Ateneo de Manila at Miriam College (maraming nagsasabi na kasama rin daw dito ang pambansang pamantasan, ang UP), kung saan ang maging ang mga mag-aaral ay nagmamaneho ng sasakyan.
Nguni’t ang mga walang kalaban-labang punongkahoy, pinag-iinitan, ang mga sasakyang nagpapasikip ng trapiko ay hindi.
Malaking hamon sa gawi ng pamumuhay o lifestyle ng mga dumaraan sa Katipunan, gayundin sa edukayong ibinibigay ng mga paaralan malapit dito, ang trapiko sa lansangang kanilang dinadaanan. Nakahanda ba silang iwasang mag-kotse sa pagpasok o bawasan ang paggamit ng kanilang pribadong sasakyan, alang-alang sa ikaluluwang ng mga lansangan? O patuloy nilang susundin ang kanilang luho kahit masakripisyo ang ating kapaligiran?
Malaking hamon rin ito sa lahat, lalo na yaong mga naninirahan at ang kabuhayan ay nakasalalay sa Kalakhang Maynila. Ang pamumuno bang hangad natin ay pamumutol ng puno, o yaong nagtataguyod ng paggalang para sa daigdig at buhay?
Paano ba hihikayatin si Fernando na baguhin ang kanyang mga pananaw sa kalikasan? Napakahabang panahon ang kailangan upang lumago ang puno, nguni't sandali lamang ang kailangan sa pagputol dito. Baka hindi na sila makapaghintay.